11-anyos ginulpi hinataw ng baril ng ama

By Tony Sandoval

CANDELARIA, Quezon, Philippines — Ospital ang binagsakan ng isang 11-anyos na lalaki matapos na bugbugin at hatawin pa ng baril ng seng­lot na ama sa Barangay Masalukot 2, kamakalawa ng madaling araw.

Itinago ng Municipal DSWD ang biktima sa pa­ngalang Leo samantalang nakapiit na sa municipal jail ang suspek na si Llorente Adaya, may sapat na taong gulang na nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 7610 at R.A. 10591.

Ayon sa ulat ng pulisya, alas-3:00 ng madaling araw ay nasa kahimbingan ng pagtulog sa loob ng kanilang bahay ang bata nang dumating ang la­sing nitong tatay at ginising siya sa pamamagitan ng sapok. Hindi pa nakuntento, pinukpok pa ng suspek ng puluhan ng baril ang ulo ng anak saka isinubsob ang mukha sa sementadong sahig sanhi ng pagkasugat nito.

Nang makatulog ang ama, sinamantala ng biktima na tumakas sa kanilang bahay at magsuplong sa himpilan ng pulisya.

Sa follow-up operation,  nadakip ang suspek at nakumpiska sa kanya ang isang walang papeles na Smith and Wesson caliber 38 na may kasamang anim na bala.

comments powered by Disqus

mofuse.com