Mister pinatay sa gulpi ng biyenan

By Jorge Hallare

LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Napatay ang 28-anyos na mister matapos itong gulpihin ng tatay ng kanyang ka-live-in dahil tangkang magreklamo sa mga opisyal ng barangay sa panggagahasa ng biyenan sa kanyang kinakasama sa Barangay Tomalaytay, bayan ng Castilla, Sorsogon kamakalawa ng umaga.

Sinubukan pang isugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City subalit namatay habang ginagamot ang biktimang si Richard Padua Abunda.

Pinaghahanap ng mga pulis ang biyenang suspek na si Warlito Chavez, kapwa nakatira sa nasabing barangay.

Sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, dakong alas-9 ng umaga nang magpumilit na pumasok ng bahay ng biktima ang suspek subalit hindi pinagbuksan ng anak dahil sa naunang panggagahasa sa kanya noong nakalipas na araw.

Gayunman, pwersahang nabuksan ng suspek ang pintuan ng bahay saka tinakot ang anak na sasaksakin kapag nagsumbong.

Nang dumating ang biktima ay isinalaysay ng ka-live-in ang ginawa ng kanyang tatay kaya kaagad tumungo sa barangay hall para magreklamo.

Habang naglalakad ang magka-live-in patungo sa barangay hall hinarang sila ng suspek saka pinaghahataw sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.

comments powered by Disqus

mofuse.com