2 airport personnel kinasuhan sa pagnanakaw sa bagahe ng Hapones

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Kasong robbery ang isinampa laban sa dalawang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS) sa Pasay City Prosecutor’s Office na umamin sa pagtangay ng pera sa bagahe ng isang Hapones na turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 departure area noong Marso 28.

Bukod dito, isinama na rin sa “stop list” ng Manila International Airport Authority (MIAA) at pinawalang-bisa na rin ang mga airport passes nina OTS intelligence agent-aides Stephen Bartolo at Demie James Timtim.

Unang umamin ang dalawa na nagsabwatan sa pagtangay ng 1,700 Australian Dollars (AUD) o nasa P68,000 sa turistang si Yuka Sakata.  Tinulungan si Sakata ng mga tauhan ng Airport police at itinuro si Bartolo na siyang nagsagawa ng ‘baggage search’ sa kanya sa arrival gate.

Nang isailalim sa pagtatanong, inamin ni Bartolo ang ginawa matapos na ipakita sa kanya ang isang CCTV footage na may kinuha siya sa bagahe ng Hapones.  Inamin rin niya na binigyan niya ng parte si Timtim na papalit na ‘duty personnel’ sa arrival area.

Dahil dito, hinikayat ngayon ni MIAA General Manager Ed Monreal ang mga pasahero na huwag matakot na iulat ang mga korap na tauhan ng paliparan na hindi umano niya kukunsintihin at agad na ipakukulong.

Bagong mga panuntunan na rin ang ipinatutupad sa ‘passenger baggage handling’ sa mga paliparan.  Kabilang dito ang pagsusuot ng ‘body cameras’ ng mga baggage handlers maging ng mga ‘security companies’.

Ipinagbabawal na rin ang pagdadala o paggamit ng cellular phone ng mga tauhan ng paliparan, pagsusuot ng mga alahas, habang dapat walang bulsa ang kanilang mga uniporme at hindi maluwag ang mga suot na sapatos.

 Nagbabala rin ang pamahalaan sa mga ‘ground handling companies’ na agad na sususpindehin o ibabasura ang kanilang mga kontrata kapag may mga tauhan silang napatunayang nagnakaw sa mga bagahe ng mga pasahero.

comments powered by Disqus

mofuse.com