Trilateral air patrol inilunsad

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Upang mapaigting pa ang kampanya kontra terorismo, poa­ching at kidnapping for ransom, nagkaisa kahapon ang pamahalaan ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia na ilunsad ang Trilateral Air Patrol (TAP) agreement upang tanuran ang himpapawid ng mga nasabing bansa.

Ayon kay Major Gen. Restituto Padilla, AFP Deputy Chief for Plans isasagawa ang TAP partikular sa himpapawid ng katimugang Mindanao, hangganan ng teritoryo ng dalawang nabanggit na bansa.

 Una nang inilunsad ang trilateral maritime patrol ng mga opisyal ng nasabing bansa na epektibong nagtatanod sa hangganan ng mga karagatan upang ma­supil ang kidnapping for ransom, poaching at maging ang terorismo.

Nabatid na sa southern backdoor ng Minda­nao nagdaraan ang mga dayuhang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) upang mag-reinforce sa Maute sa Marawi City kung saan nasa 143 araw na ang bakbakan ng tropa ng militar at ng naturang teroristang grupo.

Samantalang karaniwan na ring kumukuha ng hostages ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga resort ng Malaysia at Indonesia na ang mga bihag ay itinatago sa Sulu.

Binigyang diin ni Padilla na isang magandang hakbang ang inilunsad na TAP upang masupil ang banta ng ISIS sa naturang mga bansa.

comments powered by Disqus

mofuse.com