2 dayuhang wanted inaresto ng BI

By Doris Franche- Borja

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration- Fugitive Search Unit (FSU) na pinangunahan ni  BI intelligence officer Bobby Raquepo sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang dayuhan na wanted sa kanilang bansa.

Kinilala ni  BI Commissioner Jaime Morente ang mga dayuhan na sina  Pan Guisheng,  73, Chinese national at  Indian national na si Reddy Koyanna Venugopal Krishna, 38.

Ayon kay Morente,  si Pan ay naaresto sa loob ng Jade Tower Condominium sa may kahabaan ng 2nd Avenue, Caloocan City.

Habang si Krishna ay may mga kinakaharap namang reklamo  tulad ng acts of lasciviousness,  estafa at pag-iisyu ng talbog na tseke

Nakatakda namang patalsikin palabas ng bansa  si Pan na isa nang undocumented alien matapos kanselahin ang kanyang pasaporte ng gobyerno ng China.

Si Krishna naman ay naisyuhan na ng summary deportation order ng BI board of commissioners dahil sa pagiging  ‘undesirable alien’ nito.

Gayunman,  paliwanag ni Morente na hindi pa kaagad ide-deport si Krishna dahil may iba pa itong mga nakabinbin na kasong kriminal sa korte.Sinabi naman ni  Atty.  Ma. Antonette Mangrobang, BI spokesperson, na ang dalawa ay napabilang na sa kanilang immigration blacklist upang hindi na sila makabalik pa sa Pilipinas sa oras na sila ay ma-deport.

comments powered by Disqus

mofuse.com