Marawi bantay sarado pa rin ng militar

By Malou Escudero

image

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagaman at sini­mulan na ang pag-pull out ng mga sundalo sa Marawi City hindi na­ngangahulugan na tapos na talaga ang labanan sa pagitan ng gobyerno at ng mga natitira pang miyembro ng Maute terrorist group. AP/Bullit Marquez, File

MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Malacañang na mahigpit pa ring nagbabantay ang tropa ng gobyerno laban sa mga natitirang tero­rista sa Marawi City kahit pa nagdeklara na ng liberation si Pangulong Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagaman at sini­mulan na ang pag-pull out ng mga sundalo sa Marawi City hindi na­ngangahulugan na tapos na talaga ang labanan sa pagitan ng gobyerno at ng mga natitira pang miyembro ng Maute terrorist group.

Sinabi ni Abella na kahit pa nabawasan ang pu­wersa ng mga kalaban, patuloy pa ring magiging alerto ang tropa ng gobyerno para na rin sa kaligtasan ng mga residente.

Tiniyak din ni Abella na hindi hihinto ang gobyerno sa pagbabantay sa iba pang lugar na posibleng ma­nganib sa natitirang network ng Maute group habang isinasagawa ang rehabilitasyon sa Marawi.

Samantala, inihayag din ng Malacañang na tinuldukan na ng mga awtoridad ang isyu tungkol sa pagkamatay ni Michael Siaron, na isang pinaghihinalaang drug personality na inihalintulad sa imahe ng Pieta matapos mapalathala ang larawan ng pagkamatay sa mga pahayagan.

Ayon kay Abella, base sa ballistic examination mula sa narekober na baril, si Siaron ay pinatay ng isang miyembro ng sindikato na sangkot sa iligal na droga.

Sinabi ni Abella na pinapatunayan lamang ng report ang sinasabi ng gobyerno na marami sa mga pagpatay na nangyari sa bansa na may kinalaman sa iligal na droga ay kagagawan ng mga sangkot rin sa operasyon ng droga kung saan sila-sila ang nagpapatayan.

comments powered by Disqus

mofuse.com