MNLF vs MILF: 1 Patay, 4 sugatan

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Patay ang isang tao habang apat pa ang nasugatan makaraang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng magkalabang puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Sitio Ambel, Brgy. Marbel, Matalam, Cotabato , ayon sa opisyal kahapon.

Kinilala ang nasawi na si Tony Polalong, tinatayang nasa 40-anyos, miyembro ng MILF 108 Base Command at residente ng Brgy Ilian, Matalam ng lalawigan.

Sa report ni Chief Inspector Sunny Rubas, hepe ng Matalam Police, tinukoy nito na ang mga suspek ay pinamumunuan ni Abdul Karim Unsil, 38-anyos ng MNLF 15th Council, residente naman ng Brgy. Marbel ng nasabi ring munisipalidad.

Bandang alas-2:30 ng hapon nitong linggo nang magsimulang magkagirian na nauwi sa bakbakan ang magkabilang panig.

 Sa palitan ng putok matapos sumugod sa lugar ang grupo ng MNLF ay nasapul ng tama ng bala sa tiyan si Polalong na siya nitong ikinamatay habang isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatang biktima.

 Ang dalawa sa mga nasugatan ay mula naman sa hanay ng mga sibilyan na nakilala namang sina Jocelyn Tan, 35; Anisa Iman; pawang mga residente sa lugar.

 Samantalang ang dalawa pa sa mga nasu­gatan ay sina Francis Imbong Abas at Rasel Naga; pawang kasapi ng MILF.

 Napayapa lamang ang dalawang grupo matapos na kontakin ng security forces ang kanilang mga Commander kung saan nahinto ang sagupaan dakong alas-6:30 ng gabi.

 Nagbunsod din ang insidente sa paglikas ng mga sibilyang naninirahan sa nasabing lugar sa takot na maipit sa bakbakan.

comments powered by Disqus

mofuse.com