Agawan sa syota kelot tinarakan ng icepick, kritikal

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines -  Kritikal ang buhay ng isang lalaking contractor makaraang pagsasaksakin siya ng dating nobyo ng kanyang kinakasamang babae ngayon makaraang tumanggi ang biktima na isauli ang umano’y sinulot na babae, kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Inoobserbahan ngayon sa Valenzuela City Medical Center ang biktimang si Donald Alday, 39, ng No.133 Ma. De Castro Street, Bagong Barrio, Caloocan City habang pinaghananap naman ang nakatakas na suspek na si Joseph Oma, residente ng Pama Compound, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela.

Sa ulat, nasa loob ng isang karinderya sa El Granada Street, Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City si Alday dakong alas-10 kamakalawa ng gabi nang dumating ang suspek na si Oma.  Iginiit ni Oma sa biktima na ibalik ang kanyang kasintahan na si Hyacinth Sinacsi na umano’y inagaw sa kanya ni Alday ngunit tumanggi ang huli dahil sa mahal umano niya ang babae.

Dito naglabas ng icepick ang suspek at dalawang beses na tinarakan sa dibdib si Alday saka mabilis na tumakas.  Nasaklolohan naman agad at naisugod sa nabanggit na pagamutan si Alday.

Samantala, dalawang lalaki pa ang kritikal ang buhay sa magkahiwalay na insidente ng pananaksak.  Nakilala ang mga biktima na sina Allan Garganera, 56, balo, walang trabaho, ng Sampaguita Street, Teachers Village, Brgy. Ugong, Valenzuela City; at Antonio Mendoza, 18-anyos.

Nabatid na nag-iinuman ang biktimang si Garganera at suspek na si Pedro Orong III, 28, sa tapat ng isang tindahan dakong alas-10:50 ng gabi nang biglang magtalo ang mga ito.  Dito pinagsasaksak ni Orong ang nakakatandang si Garganera saka tumakas.  Nakaratay ngayon sa Valenzuela City Medical Center ang biktima.

Sa Malabon City, nakaistambay si Mendoza sa may 2nd Street, Brgy. Taniong, dakong alas-12 ng hatinggabi nang sumulpot ang suspek na si alyas “Buknoy”, isang tricycle driver, at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang biktima.  Agad na naisugod sa Tondo General Hospital ang biktima habang pinaghahanap ngayon ang suspek ng mga pulis.

 

comments powered by Disqus

mofuse.com