Lolo nagbaril sa sarili

By Danilo Garcia

MANILA, Philippines — Nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang lolo na lango sa alak sa loob ng kanyang bahay sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Rolando Nicolas, 77 at naninirahan sa Tiangko Street, Brgy. Ibaba, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng Malabon City Police, naglilinis ng kanyang kotse ang saksi na si Manuel Ortega, 57, kapitbahay ng biktima, nang makarinig ng isang putok ng baril na nagmula sa bahay ni Nicolas dakong alas-4:30 ng hapon.

Agad na pinagmalasakitan na tinungo ni Ortega ang bahay ng biktima ngunit walang sumasagot nang tawagin niya ito.  Dahil dito, nagpatulong si Ortega sa isa pang kapitbahay na si Armando Nicolas na katulong niyang nagbukas sa pinto hanggang sa tumambad sa kanila ang duguang katawan ng biktima sa sahig.

Mabilis naman nilang iniulat ang insidente sa Police Community Precinct 7 na rumesponde at nagkordon sa lugar.  Narekober din ng mga imbestigador ang isang kalibre .38 baril na hi­nihinalang ginamit ng matanda sa pagpapatiwakal.

Nabatid naman na huling nakitang buhay ang biktima sa loob ng kanyang bahay na mag-isang umiinom ng alak.  Patuloy namang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo ng pagpapatiwakal ng nasawi.

comments powered by Disqus

mofuse.com