P90K tax-free bonuses lusot sa Bicam

image

MANILA, Philippines – Muling pinalaki ang tax exemption ng mga bonus na makukuha ng mga Pilipino matapos itong aprubahan ng the bicameral conference committee on the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Ang mga makukuhang bonus tulad ng productivity incentives, Christmas bonuses at 13th month pay sa loob ng isang taon ay hindi bubuwisan kung hindi ito lalampas sa P90,000.

Mas mataas ito ng P8,000 kumpara sa kasalukuyang halaga na P82,000, malayung-malayo sa P30,000 tax exemption bago naipasa ang RA 10653 noong 2015.

Napagkasunduan ng dalawang kapulungan na gawin itong P90,000 matapos ihirit ng Kamara na itaas ito sa P100,000 habang gusto naman ng Senado na huwag itong baguhin.

“Ngayong magpa-Pasko na po, napagkasunduan ng bicam na muling taasan ang halaga ng 13th month pay at iba pang bonuses na hindi na kakaltasan pa ng buwis. Ang bonus sa bonus na ito ay maagang Pamasko para sa ating mga ordinaryong manggagawa,” pahayag ni Sen. Sonny Angara, chairman ng Senate ways and means committee na siya ring nasa likod ng RA 10653.

Kung tuluyang maisasabatas ay ipatutupad ito sa 2018.

 

 

comments powered by Disqus

mofuse.com