13 patay kay ‘Maring’

By Joy Cantos

MANILA, Philippines —  Umaabot na sa 13 katao ang iniwang death toll  ng bagyong Maring na nanalasa sa Metro Manila at CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Sa rekord ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lima pa lamang ang natatanggap nilang patay kay Maring kabilang ang magkapatid na binatilyo na sina Jude at Justine Pundal na namatay sa landslide sa Taytay, Rizal;12-anyos na si Samanta Zamora na nalunod sa Pasay City; sanggol na  nadaganan ng gumuhong riprap sa Lucena City, Quezon at isang ginang na nalunod naman sa Silang, Cavite.

Nadagdag naman dito ang iniulat ng Philippine National Police (PNP) na pagkamatay ng 16 anyos na si William Inalisan sa San Isidro, Parañaque City na nalunod noong Martes.

Sa report ng Laguna Police, tatlo naman ang nasawi sa pagkalunod kabilang ang Grade 7 na si Lawrence Murillo, 14 anyos na nalunod sa Brgy. Mapagong; 3-anyos na si Franzine Jade Monge ng Brgy. Parian; pawang sa Calamba City at isa pa ay mula naman sa bayan ng Rizal.

Sa lalawigan ng Quezon ay dalawa ang nakuryente na sina Luis Anthony Canales, 13, sa Brgy. Rizal, Atimonan at si John Carlo Valle, 12, ng Candelaria.

Kabilang pa sa nasawi ang isang taong gulang na bata sa landslide sa Antipolo City, Rizal at isa naman ang nalunod sa Macalelon, Quezon habang anim pa ang missing, lima dito ay sa Calamba City, Laguna at isa naman sa Antipolo City matapos na malunod ang mga biktima.

Aabot naman sa 2,103 pamilya o 8,793 katao ang naapektuhan ng bagyo sa 109 barangays sa Metro Manila at Calabarzon.

comments powered by Disqus

mofuse.com