Legislation hindi lang EO, para sa total ban ng ‘endo’

By Rudy Andal

MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Malacañang na upang maipatupad ang total ban ng ‘endo’ ay kakailanganin ang isang legislation at hindi lamang sa pamamagitan ng executive order ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra sa media briefing sa Malacañang, isang batas ang magtatakda upang tuluyang mawakasan ang end of contract (endo) isyu at hindi lamang sa pamamagitan ng EO ni Pangulong Duterte.

“Ang problema is yung gusto mangyari, requires legislation. For now, what the exe­cutive department is doing is monitoring of compliance,” dagdag pa ni Guevarra.

Hinihiling ng ibat ibang labor groups kay Pangulong Duterte na tuparin nito ang kanyang campaign promise na wawakasan nito ang endo isyu ng mga manggagawa.

Magugunita na noong Marso 2017 ay nagpalabas ng kautusan si Labor Sec. Silvestre Bello III na nagbabawal sa mga maiigsi at paulit-ulit na kontrata sa pagkuha ng mga empleyado tulad sa tinatawag na ‘endo’  o end contract agreement.

Sa pagpapalabas ng Department Order 174, Series of 2017, partikular na ginawang halimbawa ni Bello ang kontrata na hindi pinapaabot ng anim na buwan ang serbisyo ng empleyado para hindi ito maging regular sa trabaho.

“Ito yung endo – hire ka for five months. After another five months, hire ka ulit through a contractor. We have a commitment from management na wala na ito. Pero, alam mo, we still have to be very careful, kasi ang dami pa rin naming nalalaman na endo,” dagdag niya.

Pero sa kabila ng bagong kautusan na inilabas ni Bello, isang grupo pa rin ng mga manggagawa ang hindi kuntento sa naging aksyon ng DOLE.

comments powered by Disqus

mofuse.com