Senado papasok kahit Sabado para sa impeachment ni Bautista

By Malou Escudero

MANILA, Philippines — Nakahanda ang Senado na magtrabaho hanggang Sabado para sa impeachment trial ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista.

Ito ang inihayag kahapon ni Senate President Koko Pimentel kasabay ang pagtiyak na hindi made-delay ang pagdinig sa impeachment complaint.

Sinabi ni Pimentel na gagawin ang impeachment hearing tuwing Huwebes, Biyernes at Sabado.

Kailangan nilang hanapan ng oras ang pagsasagawa ng impeachment trial dahil bahagi ito ng trabaho ng Senado kung saan uupong hukom o judges ang mga senador.

Sa kasalukuyan ay hanggang Huwebes lamang ang trabaho sa Senado dahil sa ipinatutupad na four-day work week kung saan ang ses­yon ay ginagawa naman mula Lunes hanggang Miyerkules.

Pero kung totoo aniyang magbibitiw sa puwesto si Bautista pagsapit ng Disyembre 31 ay ititigil na rin ang trial.

“Let us say kung me­ron talaga siyang resignation letter kasi wala pa naman kaming certified true copy noon, kung meron talagang resignation letter, and he is separated  with the government service wala na dapat, stop na ang impeachment trial,” sabi ni Pimentel.

Paliwanag pa ni Pimentel na ang layunin ng impeachment trial ay tanggalin sa posisyon si Bautista kaya mawawalan na rin ito ng saysay kapag nag-resign na ito.

Dahil magiging pri­badong mamamayan na umano si Bautista, ma­wawala na rin ang immunity nito at maaari ng sampahan ng mga kaso.

comments powered by Disqus

mofuse.com