Biktima sa Tanay tragedy nabigyan ng P2.5-M ayuda

By Angie dela Cruz

MANILA, Philippines — Umabot sa halagang P2.5-M ang kabuuang ayuda ang ipinagkaloob ng Panda Coach Tours sa isa sa 40 mag-aaral ng Bestlink College of the Philippines na malubhang nasugatan at nakasalba sa malagim na  trahedya ng pagbangga ng bus sa Tanay, Rizal noong February 2017.

Ito ay makaraang lumagda sa isang compromise agreement ang biktima na si Marc Carlo Barcelona at ng mga tumayong abogado nito sa kaso na si Atty. Ariel Inton at Atty. Rolando Sibal ng Lawyers for Commuters Safety and Protection sa pagitan ni Atty. Ken Marc Mirasol, abogado ng Panda Coach sa QC Hall Library.

Nakasaad sa kasunduan ang paglalaan ng P2.5 milyong bayad ng Panda coach sa biktima bilang  pambayad nito sa pag-papaospital sa Amang Rodriguez Memorial Hospital kung saan siya na-confine noon hanggang sa makasalba sa trahedya at para sa gastusin ng pamilya nito sa pagbabagumbuhay.

Una nang nagsampa ang LCSP ng Pauper Litigand damage suit laban sa Panda Coach Tours, Harana Buses at Bestlink College of the Philippines sa QC court matapos kunin ni Barcelona ang tulong ng grupo ni Atty. Inton para sa kanyang kaso sa korte.

May walong biktima ng trahedya ang tinulungan ng LCSP para mapanagot ang mga may kasalanan sa trahedya.

comments powered by Disqus

mofuse.com