Army officer inabswelto sa Jonas case

By Angie dela Cruz

MANILA, Philippines — Pinawalang sala ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) kahapon si Army Major Harry Baliaga, Jr. sa kasong arbitrary detention kaugnay ng pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos.

Sa desisyon ni QCRTC branch 216 Judge Alfonso Ruiz II, dinismis nito ang naturang kaso dahil bigo umano ang prosekusyon na patunayan sa korte na si Baliaga ang dumukot at nagkulong kay Burgos.

Sinasabing hearsay lamang umano ang testimonya ng eyewitness na si Jeffrey Cabintoy, waiter ng isang restaurant sa QC, nang ituro nito na si Baliaga na nasa likod ng krimen, dahil siya at ang iba pang mga saksi ay hindi na dumalo sa apat na beses na pagdinig ng korte sa Burgos case.

Tanging ang naiprisinta lamang ng prosekusyon sa korte ay ang imbestigador ng Commission on Human Rights (CHR) na nag-interview sa mga saksi sa krimen. Ang pahayag umano ng opisyal ng CHR sa kaso ay base lamang sa sinabi rito ng mga saksi kaya ang bagay na ito ay ikinokonsidera ng korte na hearsay lamang.

Maluha-luha namang sinabi ni Mrs. Edita Burgos, ina ni Jonas, na sila ay aapela sa mas mataas na korte upang mabigyang katarungan ang pagkawala ng anak.

Hiniling din ni Ginang Editha nang makaharap si Baliaga na kung maaari ay matulungan silang hanapin ang kanyang anak.

Si Jonas ay huling nakita noong April 28, 2007.

Si Baliaga lamang ang nag-iisang inaresto sa pagkamatay ni Jonas pero hindi ito nagtagal na mapiit sa kulungan dahil naglagak ng  P40,000 para sa pansamantalang kalayaan.

comments powered by Disqus

mofuse.com