Crackdown vs Legal Front ng CPP-NPA sisimulan na!

By Joy Cantos at Doris Franche-Borja

image

Tinatayang 17 NDFP consultant ang pinayagan ng iba’t-ibang hukuman para pansamantalang makalaya mula sa bilangguan noong 2016 para makasali sa peace talks. AP/Aaron Favila, File

MANILA, Philippines — Sisimulan na ng pinagsanib na  tropa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang crackdown o pagdurog laban sa mga lider ng mga legal front, financiers at supporters ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa bansa.

Ito ang kinumpirma kahapon ng isang  opisyal ng militar  na tumangging magbanggit ng pangalan na iginiit na hawak na nila ang listahan ng mga  matataas na personalidad na darakpin.

Sinabi ng opisyal na kabilang sa mga darakpin sa mga susunod na araw ay ang mga CPP-NPA-National Democratic Front consultants na nakalaya lamang dahil sa Joint Agreement of Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Ang hakbang, ayon sa source, ay matapos namang ideklara ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na pinagtibay ng Memorandum Circular No. 17 na teroristang grupo ang CPP-NPA .

Una rito, tinuldukan ni Pangulong Duterte ang peace talks sa hanay ng CPP-NPA-NDF kaugnay ng pagkakasangkot sa serye ng paghahasik ng terorismo.

Target din ng pag-aresto, ayon pa sa opis­yal, ay ang mga miyembro at opisyal ng partylist na lantarang sumusuporta sa kilusang komunista.

Inihayag nito na kabilang din sa mga aarestuhin ay ang mga may-ari ng mga kumpanya o samahan na sumusuporta at nagbibigay ng pinansyal na tulong sa CPP-NPA.

Kabilang naman sa mga pinalayang lider at consultants ng CPP-NPA-NDF ay ang mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon, Alan Jazminez at iba pa.

Samantala, pormal nang hiniling ng Department of Justice sa iba’t-ibang mga hukuman ang pagbawi sa piyansa ng mga NDFP consultant at iutos ang muling pag-aresto sa kanila. 

Tinatayang 17 NDFP consultant ang pinayagan ng iba’t-ibang hukuman para pansamantalang makalaya mula sa bilangguan noong 2016 para makasali sa peace talks. 

Nabatid na nakapag­hain na ng mosyon ang DOJ sa iba’t-ibang mga korte para hilingin ang pagbawi sa bail bond ng mga nakakalayang NDFP consultant na da­ting nakakulong dahil sa mga nakabinbing kasong kriminal. 

Kamakailan lamang, nagsumite na ang DOJ ng mosyon sa Manila Regional Trial Court Branch 32 para hilingin ang kanselasyon ng bail bond ng mag-asawang Tiamzon at Adelberto Silva. 

Nakasaad sa mosyon na salig sa inilatag na kundisyon ng Korte Suprema, dapat lamang na bumalik sa kulungan ang mga akusado matapos na mabigo ang isinusulong na peace negotiation ng makakaliwang grupo at ng gobyerno. 

Ang mag-asawang Tiamzon at si Silva ay mga akusado sa 15-counts of murder dahil sa natuklasan umanong mass grave sa Leyte kung saan sinasabing inilibing ang mga pinatay ng mga komu­nista noong kasagsagan ng “purging” o paglilinis ng CPP sa kanilang hanay ng mga pinaghihinalaang espiya.

comments powered by Disqus

mofuse.com