Pang-4 na petisyon vs Martial Law inihabol sa SC

By Doris Borja

MANILA, Philippines — Hinabol pa kahapon ng mga kontra sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao ang ikaapat na petisyon sa Korte Suprema.

Hindi rin nagpaawat ang grupo ng mga abugado at human rights advocate na kinabibilangan nina Dinagat Island Rep. Arlene Bag-Ao at dating Commission on Elections Chairperson Christian Monsod nang ihain ang pang-apat na petisyon bago mag-ala singko ng hapon.

Hiniling din ng mga petitioner na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order laban sa pagpapalawig ng martial law sa Mindanao at ideklarang unconstitutional ang extension dahil sa kawalan ng sapat na factual basis.

Wala na umanong batayan para sa pag-iral ng batas militar sa rehiyon dahil napalaya na naman ang Marawi City mula sa mga terorista at napaslang na ang mga pinuno ng Maute Group na naglunsad ng rebelyon.

Magkaiba rin umano ang sinasandigang insidente ng rebelyon sa naunang batayan ng proklamasyon ng martial law sa Mindanao, sa rebelyon na tinutukoy sa muling pagpapalawig ng batas militar doon.

Anila, ang pinagtibay ng Korte na nagaganap na aktwal na rebelyon sa Mindanao sa kanilang desisyon na pabor sa deklarasyon ng martial law noong Hulyo 2017 ay ang krisis sa Marawi.

At bagamat muli umanong bumubuo ng grupo ang mga nalalabing pwersa ng terorista sa Mindanao, hindi naman ito maituturing na aktwal na rebelyon.

Dagdag pa ng mga petitioner, bagamat nagbanta ang Communist Party of the Philippines ng mas pi­naigting na pag-atake ng New People’s Army kasunod ng pagkansela sa ikalimang round ng peace talks, hindi naman nakasaad ang bantang ito ng mga komunista sa unang pagpapalawig ng martial law na hiningi ni Pangulong Duterte.

comments powered by Disqus

mofuse.com