Economic sabotage vs manufacturers, distributors ng mga pekeng gamot

By Joy Cantos

MANILA, Philippines — Sasampahan ng kasong economic sabotage ng Philippine  National Police (PNP) ang mga mahuhuling personalidad na nagmamanupaktura at nagpapakalat ng mga pekeng gamot sa bansa.

Ito ang inihayag kahapon ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa  kaugnay ng inilunsad na pinaigting na operasyon ng kanilang mga operatiba laban sa mga nagpapakalat ng mga pekeng gamot .

“We were given instructions by the President that if we will make arrest, the charges that we will file is economic sabotage… (for those engaged in) manufacture, distribution and sale of counterfeit drugs,” pahayag ni dela Rosa.

Sinabi ni dela Rosa na nagsasagawa na ngayon ng operasyon ang magkatuwang na mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Food and Drugs Administration (FDA) laban sa mga pinaghihinalaang manufacturers at distributors ng mga counterfeit drugs.

Ibinunyag ni Dela Rosa na medyo nagalit ang Pa­ngulo dahil hanggang sa ngayon ay wala pang nahuhuli ang PNP matapos nitong ipag-utos na hulihin at arestuhin ang mga nagbebenta ng mga pekeng gamot.

Ipinaliwanag ni dela Rosa na ang pagkakaiba sa operasyon ng PNP ope­ratives noon laban sa mga distributor ng mga pekeng gamot ang mga naaaresto ay sinasampahan lamang ng paglabag sa Intellectual Property Rights na isang bailable offense pero ngayon ay mas mahigpit dahil economic sabotage ang kakaharapin nilang kaso na walang kaukulang piyansa.

Nagbigay na ng direktiba si dela Rosa sa mga PNP regional directors na maglunsad ng operasyon laban sa mga pekeng gamot.

comments powered by Disqus

mofuse.com