8,844 natulungan ng PRC

By Mer Layson

MANILA, Philippines — Kabuuang 8,844 indibidwal ang natulungan ng Philippine Red Cross (PRC) sa kanilang taunang Holy Week Safety Assistance program, kabilang ang dalawang katao na kinailangang isugod ng ambulansya sa pagamutan dahil sa pagkalunod at pagkukum­bulsyon.

Ayon sa PRC, upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa katatapos na long weekend, o mula Marso 26 hanggang Abril 1, nagtayo sila ng may 200 first aid at welfare stations, nag-mobilized ng may 75 ambulansiya, at nag-deploy ng may 1,500 staff at volunteers sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

“While the majority of Filipinos are spending time with their families during the long holidays, our staff and volunteers were on the ground to assist. I commend our volunteers for once again ensuring the safety of the public as we observe the Holy Week,” ayon kay PRC Chairman Richard Gordon.

Hanggang nitong Abril 2, nakapagtala ang PRC ng 27 pas­yente, na nangailangan ng medical assistance dahil sa pagkalunod, pagkahilo, pananakit ng katawan, kumbulsiyon at pamamanhid ng katawan.

Natulungan rin nila ang may 486 minor cases tulad ng sugat, cramps, at nasugatan; gayundin ang 11 major cases tulad nang pagkahimatay at pananakit ng likod.

Nagbigay rin ang PRC ng welfare services, tulad ng psychosocial support, tracing at referral ng may 430 katao, at monitoring ng blood pressure count ng may 7,890 pasyente. 

Pinasalamatan naman ni Gordon ang kanilang mga partners at donors na tumulong sa kanila upang makapagbigay rin sila ng tulong sa mga nangangailangan.

Ang PRC ay isang humanitarian organization sa bansa, na may 103 chapters at dalawang milyong volunteers sa buong bansa, na laging handa sa pagkakaloob ng ayuda, tulad ng disaster management, health, safety, welfare, blood, volunteer, at Red Cross Youth services.

comments powered by Disqus

mofuse.com