Amnesty sa illegal OFWs sa Kuwait, 10 araw na lang

By Danilo Garcia

image

Sa abiso ng DFA, magtatapos ang inalok na amnestiya ng pamahalaan ng Kuwait sa Abril 12 upang maitama ng mga Pinoy workers ang kanilang istatus o kaya ay lumabas sa bansa nang hindi pinagmumulta. Joven Cagande

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga undocemented Filipino workers sa Kuwait na may 10 araw na lamang sila para makahabol sa ipinatutupad na “amnesty program” ng Kuwaiti government. 

Sa abiso ng DFA, magtatapos ang inalok na amnestiya ng pamahalaan ng Kuwait sa Abril 12 upang maitama ng mga Pinoy workers ang kanilang istatus o kaya ay lumabas sa bansa nang hindi pinagmumulta.

Pinapayuhan ng DFA ang mga nais humabol sa amnestiya na agad nang magtungo sa konsulada ng Pilipinas sa Humaidi Street sa Al Siddeeg Area sa south Surra ng naturang bansa.  Kapag nakapagparehistro na, tatagal pa ng 10 araw ang pagproseso ng mga kailangang dokumento at clearance para sa programa.

Mula nang ipatupad ang amnestiya, libu-libo nang walang dokumentong ‘overseas Filipino workers’ ang umuwi sa Pilipinas buhat sa Kuwait.  

Sinasalubong naman sila ng mga opisyales ng Overseas Wokers Welfare Administration (OWWA) na nagbibigay ng P20,000 livelihood assistance at P5,000 financial assistance buhat sa pamahalaan.

Sa datos ng OWWA, tinatayang 251,000 dokumentadong OFWs ang nagtatrabaho sa Kuwait kung saan nasa 163,000 sa kanila ay pawang mga ‘household workers’.

comments powered by Disqus

mofuse.com