77% Pinoy ok sa drug war - SWS

By Rudy Andal

image

Sa pinakahuling survey na ipinalabas nito lamang Miyerkules, iniulat ng SWS na 77 porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon at sumusuporta sa kampanya ng pamahalaan na walisin ang problema sa droga. File

MANILA, Philippines — Halos walo sa bawat 10 Pilipino ang nasisiyahan sa isinasagawang kampanya ni Pangulong Duterte kontra iligal na droga, ayon sa Social Weather Stations (SWS).

Sa pinakahuling survey na ipinalabas nito lamang Miyerkules, iniulat ng SWS na 77 porsiyento ng mga Pilipino ang sang-ayon at sumusuporta sa kampanya ng pamahalaan na walisin ang problema sa droga.

Ayon kay Presidential Communications Sec. Martin Andanar, malinaw na ipinapakita ng resulta ng survey ang mataas na tiwala ng mamamayan sa naturang kampanya.

“Ito ang dahilan kung bakit patuloy nating isusulong ang kampanya laban sa salot na droga. Hindi po matitinag ang pamahalaan sa mga ikinakalat na paninira ng iba’t-ibang grupo laban dito. Malinaw na suportado ang Pangulo ng karamihan sa ating kababayan,” sabi ni Andanar.

Dagdag pa niya na sa kabila ng pagiging abala sa illegal drug campaign, nananatiling nakatuon ang atensyon ng Pangulo sa mga programang mag-aangat sa katayuan ng mahihirap.

“Pinakamataas na prayoridad ang ibinibigay natin sa mga programang mag-aangat sa kalidad ng buhay ng mahihirap nating kababayan. ‘Yan po ang aming commitment sa kanila. Huwag lamang po tayong mainip at manati­ling matatag sa panig ng Pa­ngulong Duterte,” paliwanag ni Andanar.

Kasabay nito, iniulat din ng SWS na 71 porsiyento o mahigit pito sa bawat 10 Pilipino ang naniniwala na mas kumaunti o bumaba ang bilang ng mga drug suspect sa kanilang lugar.

Isinagawa ang survey noong Setyembre 23 hanggang 27 kung kailan mai­ngay ang mga isyu sa Extra Judicial Killings.

Batay sa survey ng SWS, hindi halos natinag ang paniniwala ng karamihan sa mamamayan sa drug campaign sa kabila ng kaliwa’t kanang pagbatikos dito ng simbahan at oposisyon.

“Satisfaction is still high. General satisfaction on the drug trade is still high,” ayon kay Vladymir Licudine, SWS director for Survey Design, Analysis and Training.

Paliwanag ni Licudine, ang mataas na satisfaction rating ay mula sa isang tanong sa survey na: ‘Gaano na karami ang drug addicts sa lugar ninyo?’.”

“Kasi ang sagot nila mas konti na. I think that is the basic response that I can give you…Kasi ‘yun lang naman ang conside­ration ng tao eh. Nawawala ang drug addicts, I think that’s the basic conside­ration na tinitingnan ng tao doon sa satisfaction,” dagdag pa ng SWS official.

comments powered by Disqus

mofuse.com