Truck maintenance worker dedo sa pamamaril

By Ludy Bermudo

MANILA, Philippines — Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang 40-anyos na truck maintenance worker nang pagbabarilin ng di nakilalang salarin sa Adua­na compound, Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang Noel Tan, residente ng   Damayan St., Dalandanan, Valenzuela City.

Blangko pa sa motibo at pagkilanlan ng gunman ang mga awtoridad dahil walang nakalap na nakasaksi sa aktuwal na pamamaril at wala ring closed circuit television sa pinangyarihan.

Sa ulat ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insiden­te dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa loob ng Aduana, Slip 0, Pier 2, Tondo.

Sa nakuhang salaysay ng imbestigador sa mga kasamahan ng biktima, natutulog umano sa loob ng truck ang isang driver na Crisson Vendivil,  nang makarinig ng putok na ina­kalang firecracker lamang subalit humahangos na ibinalita umano sa kaniya ng kasamahang si Jeffrey na nagsabing binaril si Tan.

Abala umano si Jeffrey sa pag-aayos ng twist lock ng truck nang makarinig ng putok at agad niyang inalam kung saan nagmula at nadiskubre na duguang nakabulagta na ang biktima kaya ipina­batid kay Vendivil.

Nang usisain ay duguan ang tagiliran at kaliwang binti kaya dinala agad sa pagamutan.

comments powered by Disqus

mofuse.com