Kargador kalaboso sa pangmomolestiya sa 4-anyos nene

By Ludy Bermudo

MANILA, Philippines — Kulungan ang bagsak ngayon ng isang 50-anyos na kargador sa Pier, Maynila makaraang arestuhin ng mga otoridad dahil umano sa pangmomolestiya nito sa isang 4 na taong gulang na batang babaeng kapitbahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni  Supt. Santiago Pascual ng Manila Police District-Station 2, inihahanda na ang reklamong paglabag sa Republic Act 7610  (Child Abuse Law) na idinulog sa pulisya ni Gng Elena Aviles, 46-anyos, ina ng bata, laban sa suspek na kinilalang si Edwindo Gawang Y Morales, residente ng No. 195 Area-H, Gate 20, Parola Compound, Barangay 20, Zone 2, Tondo.

Sa imbestigasyon ni PO2 May Lachica, alas 7:30 ng gabi nitong Miyerkules nang maganap ang insidente sa labas ng  bahay ng biktima, kung saan kapitbahay niya ang suspek.

Habang naglalaro umano ang biktima sa tapat ng kanilang bahay ay nilapitan siya ng suspek at biglang niyakap nang mahigpit at matapos ay pilit umanong isinubsob ang mukha ng bata sa kaniyang harapan sa tapat ng kaniyang ari.

Nagtatakbo ang bata at isinumbong sa ina ang ginawa ng suspek na idinulog naman sa pulisya.

Agad rumesponde sina PO1 Raymond Reyes at PO1 Philip De Guzman ng Delpan Police Community Precinct at dinakip ang suspek.

comments powered by Disqus

mofuse.com