5 NPA utasin kada sundalong napapatay

By Rudy Andal

image

Sinabi ni Pangulong Duterte sa may 200 rebel returnees na hinandugan niya ng meryenda sa Malacañang kamakalawa na iuutos niya sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pumatay ng limang rebeldeng New People’s Army sa bawat sundalo na mapapaslang ng mga rebelde. KJ Rosales

MANILA, Philippines — Binuweltahan ni Pangu­long Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison kaugnay sa banta nitong magtutumba ang New People’s Army (NPA) ng isang sundalo araw-araw hanggang mapilitan ang gobyerno na bumalik sa usapang pakikipagkapa­yapaan.

Sinabi ni Pangulong Duterte sa may 200 rebel returnees na hinandugan niya ng meryenda sa Malacañang kamakalawa na iuutos niya sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na pumatay ng limang rebeldeng New People’s Army sa bawat sundalo na mapapaslang ng mga rebelde.

“Puwede ko ring utusan ang military na pumatay ng limang rebelde sa bawat sundalong mapapatay.  Hangga’t miyembro sila ng NPA, lalake man o babae, patayin sila,” wika ng Pa­ngulo sa salitang Cebuano.

Ibinunyag din ni Duterte na ambisyon ni Joma na palitan siya bilang Pangulo ng bansa at maupo Ito sa Malacañang.

“Gusto niyang pumalit siya sa akin. Walang kuwestyon dito. Isa siyang Pilipino. Ang totoo, hindi ko alam kung ganoon nga siya. Mukha siyang Taiwanese national,” dagdag ni Duterte.

Magugunita na hinimok ni Sison ang NPA na maglunsad ng pag-atake sa mga sundalo hanggang sa mapilitan ang gobyerno na bumalik sa usapang pangkapayapaan.

May 200 former NPA re­bels na sumuko sa gobyerno mula sa Mindanao ang hinandugan ng meryenda ni Pa­ngulong Duterte sa Palasyo kamakalawa at sumasailalim na sila sa proseso upang sumanib sa AFP bilang mga CAFGU.

comments powered by Disqus

mofuse.com